Isang himala na maituturing ng komedyanteng si Gil Aducal Morales, o mas kilala bilang Ate Gay , ang mabilis na pagbuti ng kanyang kalusugan matapos sumailalim sa radiation therapy para sa kanyang parotid tumor o bukol sa leeg sanhi ng nasopharyngeal carcinoma. Dumagsa ang tulong para sa pagpapagamot ni Ate Gay matapos niyang ibahagi na mayroon siyang stage four cancer sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) noong Setyembre. At makalipas lang ang isang buwan, unti-unti nang umimpis ang bukol sa kanyang leeg. Kinamusta ng multi-awarded journalist na si Jessica Soho ang lagay ni Ate Gay, na ibinahagi kung paanong isa siyang patotoo na may himala. Ani ng komedyante, “Noong September, na-diagnose ako ng cancer. Stage 4 daw. Ang sabi, hindi na daw ako aabutin ng 2026. Hindi na rin daw ako puwedeng operahan. Noon, isang kilo 'yung bukol ko sa leeg. Ngayon, flat na siya!" Ayon sa sikat na impersonator ni Superstar Nora Aunor, hindi niya akalaing magiging mabilis ang progress ng kanyang pagpapagaling. "May himala kasi wala na 'yung bukol. Nagugulat din 'yung mga nagre-radiation, bakit ang bilis. Wala na ring bleeding at naigagalaw ko na 'yung leeg ko. Radiation lang po. May hope na sinasabi sa akin na, 'Gagaling ka.'" Abot-abot naman ang pasasalamat ni Ate Gay sa mga tumulong para sa kanyang pagpapagamot. "Magaling si Lord. Binibigay sa'yo yung mga handang tumulong. Maraming salamat po sa inyo!" View this post on Instagram A post shared by Kapuso Mo, Jessica Soho (@km_jessica_soho) Ipinost naman ni Ate Gay ang kanilang mga larawan ni Ma'am Jess na kuha mula sa kanilang sit down interview para sa KMJS . Dito ay makikita na nagbalik na ang sigla ng komedyante at nakakatawa nang muli. "Isang karangalan ang makapanayam ng isang Jessica Soho," sulat ni Ate Gay sa caption. Mapapanood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo, 8:15 p.m. sa GMA. RELATED CONTENT: Inspiring celebrity cancer survivors